Malakanyang ibinasura ang hamong maglabas ng medical condition ni Pangulong Duterte
Hindi na kailangang maglabas ang Malakanyang ng medical condition ni Pangulong Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na walang malubhang sakit si Pangulong Duterte at maayos ang kanyang kalusugan.
Ayon kay Abella ang kailangan lamang ng Pangulo ay pahinga dahil mula ng dumating siya sa bansa galing ng Russia noong Mayo 23 at nagdeklara ng Martial Law sa buong Mindanao dahil sa Marawi City siege na ginawa ng teroristang Maute group ay walang tigil ang kanyang ginawang trabaho at pag-aasikaso sa mga sugatan at namatay na sundalo at pulis.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag dahil sa hamon ng oposiyon na dapat maglabas ang Malakanyang ng medical condition ng Pangulo dahil ilang araw na itong walang public appearance.
Batay sa Article 7 Section 12 ng 1987 Constitution kung mayroong malubhang karamdaman ang Pangulo dapat itong malaman ng publiko kung saan ang mga miyembro ng Cabinet na in charge sa national security and foreign relations kasama ang Chief of Staff ay dapat magkaroon ng access sa Pangulo kaugnay ng kanyang karamdaman.
Ulat ni: Vic Somintac