Malakanyang iginiit na walang dapat ikatakot sa paggamit sa Reed Bank bilang collateral sa loan ng Pilipinas sa China
Pinawi ng Malakanyang ang pangamba ng publiko kaugnay sa isyu ng paggamit sa Reed Bank bilang collateral sa ginawang pag-utang ng Pilipinas sa China para sa Chico Dam project na aabot sa 62-million US dollars.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo walang dapat ikabahala sa utang dahil sigurado naman itong mababayaran ng bansa.
Ito ang naging reaksiyon ng Malakanyang matapos ang pagbubunyag ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na nakasaad sa Chico River Irrigation Loan Agreement na maaring kamkamin ng China ang natural gas deposits sa Reed Bank o mas kilala bilang Recto Bank kung magkakaroon ng default sa pagbabayad ang Pilipinas.
Binigyan diin ni Panelo na malabo umano itong mangyari dahil kilala umano ang bansa bilang good payer pagdating sa mga foreign loans nito.
Naniniwala din si Panelo na napakaliit ang halaga sa Chico Dam loan para hindi mabayaran ng bansa. Ayon kay Panelo posible umano na ito ang dahilan kung kaya’t pumayag ang mga economic managers sa magamit ang Reed bank bilang collateral sa naturang utang.
Samantala handa umano ang Pilipinas na maghain ng diplomatic protest laban sa China kung totoong mayroong nangyayaring pangha-harass sa mga mangingisdang pinoy sa bahagi ng West Philippine Sea.
Inihayag ni Panelo na hindi hahayaan ng gobyerno kung totoong mayroong pambu-bully sa bahagi ng mga chinese kontra sa mga lokal na mangingisda sa naturang lugar.
Niliwanag ni Panelo ang kailangan lamang umano ay maglabas ng matibay na ebidensiya na mayroong nangyayaring ganitong uri ng harassment sa mga pinoy fishermen.
Duda kasi si Panelo na ang mga naglalabasang mga video clips kaugnay sa umano’y pagtataboy ng China sa mga Pilipinong mangingisda ay noon pa nangyari kung saan naresolba na ito ng kasalukuyang administrasyon.
Aminado ang kalihim na sa ngayon ay kontralado ng China ang malaking bahagi ng South China Sea at walang laban ang Pilipinas sa naturang bansa kung kaya’t kailangan ng maingat na pagtugon sa mga isyu na may kaugnayan sa pinag-aagawang teritoryo.
Ulat ni Vic Somintac