Malakanyang, ipinag-utos na sa National Privacy Commission na maimbestigahan ang Passport data breach
Pinakilos na ng Malakanyang ang National Privacy Commission o NPC para inbestigahan ang nangyaring passport data breach na unang ibinunyag ni Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin.
Sinabi ni Presidential Spokesman Sec. Salvador Panelo, pinasisiyasat sa NPC kung wala bang nalabag sa mga probisyon ng Republic Act No. 10173 o mas kilala bilang Data Privacy Act of 2012 ang problema sa Philippine Passport.
Ayon sa Malakanyang, maituturing na seryosong bagay ang nangyaring passport data breach sa DFA.
Inihayag ni Panelo hindi dapat pasanin ng mga aplikante ang dagdag parusa tulad ng pagsumite ng mga original copies ng certificates of live birth na mangangailangan ng panibagong application process mula sa Philippine Statistics Authority.
Iginiit ni Panelo na sapat na ang pag-presenta ng lumang passport para sa mga gustong magrenew para makaiwas sa red tape na isa sa mga ayaw ng kasalukuyang administrasyon.
Samantala pinapasilip din ng Malakanyang sa isasagawang imbestigasayon ang proseso sa printing ng mga passports upang malaman kung may mga batas ding nilabag na naglalagay sa alanganin sa publiko.
Ulat ni Vic Somintac