Malakanyang, kumbinsidong hindi agad maaaksyunan ng Comelec ang listahan ng mga Narco-Politicians na isusumite ng DILG
Naniniwala ang Malakanyang na hindi masisisi ang Department of Interior and Local Government o DILG kung gumawa ito ng hakbang para mapigilan sa paghawak ng kapangyarihan o pananatili sa poder ang mga pulitikong sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Magsusumite ang DILG sa Commission on Elections o COMELEC ng listahan ng mga narco politicians sa layuning ma-disqualify ang mga ito sa pagtakbo para sa election sa 2019.
Sinabi ni Presidential Spokesman at Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo bagaman hindi siya kumbinsidong madi- disqualify ang mga nasa Narco-list na tatakbo sa Election 2019 tungkulin ng DILG na ipaalam sa publiko ang kanilang findings o resulta ng kanilang imbestigasyon laban sa mga narco politician.
Ipinaliwanag ni Panelo na bago ma-disqualify ang isang kandidato lalo na kung pinararatangang sangkot sa iligal na droga kailangan muna silang makasuhan at mahatulan ng korte.
Ayon kay Panelo hindi madali para sa COMELEC ang pag disqualify ng kandidato dahil lamang sa isang report kundi dapat ay sumailalim muna ang pinararatangan sa due process.
Sa ngayon hinihintay pa ng DILG ang intelligence report galing sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para maisapinal na ang listahan ng narco politicians na isusumite sa COMELEC.
Ulat ni Vic Somintac