Malakanyang, kuntento sa Diplomatic protest ng DFA laban sa China kaugnay ng bagong batas sa South China sea
Suportado ng Malakanyang ang hakbang ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naghain ng diplomatic protest laban sa China kaugnay ng bagong batas na pinagtibay ng Chinese parliament na nagbibigay pahintulot sa Chinese Coast Guard na paputukan ang mga dayuhang sasakyang pandagat na papasok sa inaangkin nilang teritoryo sa South China Sea.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na isa ring experto sa International Law na tungkulin ng Pilipinas na ipagtanggol ang karapatan sa mga pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea o West Philippine Sea.
Ayon kay Roque labag sa United Nations Charter maging sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS ang batas na pinagtibay ng China para igiit ang pag-aangkin sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Inihayag ni Roque maliwanag ang probisyon ng International Law na bawal ang agressive action sa mga pinagtatalunang teritoryo maliban kung nasa depensive position ang isang partido.
Niliwanag ni Roque bagamat isinusulong ng Duterte administration ang Independent Foreign Policy na friend to all and enemy to none hindi maaaring ipagwalang bahala ng pamahalaang Pilipinas ang karapatan at soberenya sa mga isla sa West Philippine Sea na sakop ng territorial waters at Exclusive Economic Zone ng bansa.
Vic Somintac