Malakanyang, maghihigpit para masawata ang black market ops sa anti-Covid-19 vaccine
Target ng pamahalaan na buwagin ang sinasabing black market operation sa anti-COVID-19 vaccine.
Sinabi ni National Task Force ( NTF) Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na mayroong report na ilegal na naipapasok sa bansa ng mga tiwaling negosyante ang anti-COVID-19 vaccine.
Ayon kay Galvez makikipagpulong siya sa Beureau of Customs (BOC) at Food and Drug Administration ( FDA) upang magkaroon ng mahigpit na monitoring mechanism sa sinasabing pagpupuslit sa bansa ng anti-COVID-19 vaccine.
Inihayag ni Galvez na sa ngayon ay wala pang opisyal na delivery ng anti-COVID-19 vaccine sa bansa.
Magugunitang inamin mismo ng Presidential Security Group ( PSG) na ang ginamit nilang anti-COVID-19 vaccine ay smuggled mula China.
Lumabas din ang mga ulat na may black market operation ng anti-COVID-19 vaccine sa Binondo area kung saan nabakunahan na ang ilang mayayamang negosyante at pulitiko.
Vic Somintac