Malakanyang maglalabas ng dagdag na 5.6 bilyong pisong pondo para sa fuel subsidy sa transport at Agricultural sector
Nangako ang Malakanyang na tuloy-tuloy ang pagbibigay ng gobyerno ng fuel subsidy sa sektor ng transportasyon at agrikultura upang mapagaan ang epekto ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa susunod na buwan ay ilalabas ng gobyerno ang ikalawang bugso ng fuel subsidy para sa transport at agricultural sector na nagkakahalaga ng 5.6 bilyong piso na huhugutin parin sa 2022 national budget.
Ayon kay Secretary Dominguez 5 bilyong piso ang para sa transport sector at 600 milyong piso para sa agricultural sector.
Inihayag ni Dominguez magiging 7.5 bilyong piso na ang kabuuang ayuda ng gobyerno sa sektor ng transportasyon at 1.1 bilyong piso naman sa agricultural sector.
Magugunitang 2.5 bilyong piso ang unang inilaan ng gobyerno para sa fuel subsidy ng transport sector at 500 milyong piso sa sektor ng agrikultura na ipinasok sa cash card na ipinamahagi sa mga lehitimong franchise holder at mga magsasaka at mangingisda.
Niliwanag ni Secretary Dominguez ang kabuuang 8.6 bilyong pisong ayuda ng gobyerno sa mga nasa transport at agricultural sector ay bahagi ng targeted relief scheme na inihanda ng economic team ng pamahalaan kapalit ng pagbasura sa kahilingang suspendihin ang pangongolekta ng excise at value added tax sa mga imported oil products dahil mawawalan ang gobyerno ng 147 bilyong piso.
Vic Somintac