Malakanyang mayroon ng contingency plan para tulungan ang mga Pinoy sa Guam kaugnay ng missile attack threat ng North Korea
Tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang gobyerno ng Pilipinas para tulungan ang mga Pinoy na nasa Guam sakaling ituloy ng North Korea ang bantang paglunsad ng missile attack sa US territory.
Matapos na lumabas sa state news agency ng Pyongyang na balak nilang magpalipad ng apat na missile bilang tugon sa banat at banta ni US President Donald Trump sa North Korea.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella may nakahandang contingency plan ang embahada ng Pilipinas para mailikas ang mga Pilipinong nakatira at nagtatrabaho sa Guam sakaling ituloy ng North Korea ang banta.
Samantala, hindi naman makumpirma ni Abella kung magpapatawag ng National Security Council o NSC meeting si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa tensyon sa Korean Peninsula.
Ulat ni: Vic Somintac