Malakanyang naglaan na ng pondo para sa booster shot ng mga nabakunahan ng anti COVID-19
Isinama na ng Malakanyang sa 2022 proposed national budget ang pondong gagamitin sa pagbili ng booster shot sa mga nabakunahan ng anti COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na pinaghandaan na ng pamahalaan ang pagkakaroon ng booster shot ng anti COVID 19 vaccine dahil sa resulta ng pag-aaral ng mga eksperto ng World Health Organization o WHO na aabot lamang sa anim hanggang walong buwan ang bisa ng mga naimbentong bakuna.
Ayon kay Roque naglaan ang Malakanyang ng 45 bilyong pisong pondo para ipambili ng dagdag na doses ng anti COVID 19 vaccine na gagamitin na booster shot.
Inihayag ni Roque ang unang batch ng mga tumanggap ng anti COVID 19 vaccine sa bansa ay nabakunahan ng first at second dose noong buwan ng Marso at Abril kaya ang ika-anim na buwan nila ay sa October pa at ang ika-walong buwan nila ay sa December.
Tiniyak ni Roque na hindi makakaapekto sa rollout ng anti COVID 19 vaccination program ng pamahalaan ang pagkakaroon ng booster shot dahil bukod na bibilhin ng gobyerno ang doses ng bakuna na gagamitin.
Vic Somintac