Malakanyang, nagpaabot ng pakikiramay sa Japan government matapos ang paghagupit ng Typhoon Hagibis
Nagpaabot ng pakikiramay ang Palasyo ng Malacañang sa Japan na matinding hinagupit ng super typhoon Hagibis na itinuturing na pinakamalakas na bagyong tumama sa nasabing bansa sa nakalipas na mga dekada.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, nakikisimpatiya si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mamamayan at gobyerno ng Japan at sa mga pamilyang nawalan ng tahanan at naulila ng kanilang mga kaanak.
Inatasan na aniya ng Office of the President ang Department of Foreign Affairs (DFA) na makipag-ugnayan sa Japanese counterpart para sa posibleng humanitarian assistance na maaaring ipagkaloob ng Pilipinas.
Patuloy din aniya ang masusing monitoring ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo sa sitwasyon.
Sa pinakahuling balita, mahigit 30 katao ang namatay at daan-daan ang nasugatan nang tumama ang bagyo sa Izu Peninsula sa Shizouka, gabi ng Sabado.