Malakanyang, nagpaabot ng pasasalamat sa dalawang kapulungan ng Kongreso kasunod ng ibinigay nitong 1 year extension ng Martial Law sa Mindanao
Pinasalamatan ng Malacañang ang mga mambabatas kaugnay ng ginawa nitong pag-aapruba sa hiling ng Chief Executive na mapalawig pa ng isang taon ang Martial Law sa Mindanao.
Sa statement na inilabas ni Presidential spokesman Salvador Panelo, inihayag nitong makakaasa ang publiko nang malaking progreso upang masugpo ang nagpapatuloy na rebelyon sa rehiyon at patuloy na maitaguyod ang pangkalahatang seguridad sa rehiyon.
Tiniyak din ng Malacañang na sa isang taon pang pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao ay mapo-protektahan ang karapatang pantao ng mamamayan.
Bukod dito’y siniguro din ng Palasyo na tatalima ang mga nasa uniformed service sa kanilang mandatong bigyan ng proteksiyon ang taong bayan. Ito’y sa harap na rin ng layunin ng martial law na pinalawig para sa kapakanan ng mga taga – Mindanao.
Ulat ni Vic Somintac