Malakanyang nagpaliwanag sa pagbabawal ni Pangulong Duterte sa PSG na dumalo sa imbestigasyon ng Senado sa isyu ng anti COVID-19 vaccine
Wala umanong itinatago si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbabawal sa Presidential Security Group o PSG na dumalo sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa kontrobersiyal na isyu ng paggamit ng anti COVID-19 vaccine na hindi otorisado ng Food and Drug Administration o FDA.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, naniniwala si Pangulong Duterte na walang nakikitang dahilan para magsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa PSG in aid of legislation.
Ayon kay Roque, maliwanag ang posisyon ng Pangulo na ang pagbabakuna ng PSG ay self preservation dahil sa banta ng COVID 19 at sa uri ng kanilang trabaho na seguraduhing ligtas ang Presidente ng bansa.
Inihayag ni Roque ginamit ng Pangulo ang executive privileged sa pagbabawal sa PSG na dumalo sa imbestigasyon ng Senado dahil sa prinsipyo ng separation of power sa pagitan ng co-equal branch.
Niliwanag ni Roque hindi naman pinagbabawalan ng Pangulo ang pagdalo ng PSG sa imbestigasyon ng mga ahensiyang nasa ilalim ng executive department tulad ng National Bureau of Investigation o NBI, Armed Forces of the Philippines o AFP at Food and Drug Adminstration o FDA.
Vic Somintac