Malakanyang , nagpaliwanag sa pagbawi ni Pangulong Duterte sa pagbasura sa VFA
Ipinaliwanag ng Malakanyang ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na binabawi ang kautusang nagbabasura sa Visiting Forces Agreement o VFA sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ito ay batay sa pagtataguyod ng Philippine strategic core interests ang malinaw na depinisyon ng alyansa ng Pilipinas at Amerika.
Ayon kay Roque naniniwala ang Pangulo na may malinaw na posisyon ang Amerika sa kanilang mga obligasyon at pangako sa Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty o MDT.
Inihayag ni Roque na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pakikipag-ugnayan sa iba pang mga bansa para sa partnership na iiral batay sa pambansang interes.
Ang pagbawi ng Pangulo sa pagbasura sa VFA ay inilabas ng Malakanyang matapos makipagpulong kay Pangulong Duterte si US Defense Secretary Llyod Austin III na kasalukuyang bumibisita sa bansa.
Vic Somintac