Malakanyang nagpaliwanag sa pagkakaantala ng delivery ng mga bakuna sa mga LGU
Hindi dapat na mabahala ang mga Local Government Units o LGU’S sa pagkakaantala ng delivery ng mga bakuna laban sa COVID-19 partikular ang Sinovac na mula sa China.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na pansamantala lamang ang pagkakabinbin ng delivery ng Sinovac anti COVID 19 vaccine sa mga LGU’S.
Ayon kay Roque mayroong proseso na sinusunod ang Department of Health o DOH sa pagdedeliver ng mga anti COVID-19 vaccine.
Inihayag ni Roque pangunahing dahilan ng pagkaka-delay ng distribusyon ng Sinovac ay ang paghihintay sa Certificate of Analysis.
Ipinaliwanag ni Roque na mahalaga ang Certificate of Analysis para matiyak na pareho ang kalidad ng bagong deliver na bakuna kumpara sa naunang naideliver na ginamit na ng pamahalaan.
Tiniyak ni Roque sa sandaling makuha ang Certifcate of Analysis ay agad na idideliver sa mga LGU’S ang kanilang bahaging bakuna.
Iginiit ni Roque na ayaw ng gobyerno na maantala hanggat maaari ang delivery ng mga bakuna para tuloy-tuloy ang rollout ng mass vaccination program ng pamahalaan.
Vic Somintac