Malakanyang nagpaliwanag sa ulat ng Bloomberg na kulelat ang Pilipinas sa Covid-19 resilience
Dumepensa ang Malakanyang sa lumabas na pandaigdigang pag-aaral na nagsabing kulelat ang Pilipinas sa COVID 19 resilience ranking o pagiging matatag ng ekonomiya sa gitna ng Pandemya.
Sa report ng COVID 19 resilience ranking ng Bloomberg, nasa ika-52 puwesto ang Pilipinas sa kabuuang 53 mga bansa na may score na 45.3 kasunod ng Argentina na may score na 37.
Nasa nangungunang puwesto naman ang Amerika, New Zealand, Switzerland, Israel at France.
Kabilang sa mga ginamit na indicators sa ginawang pag-aaral ang porsiyento ng mga taong nabakunahan, mga ipinatutupad na lockdown, flight capacity, fatality rate at positivity rate.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na tinututukan ngayon ng pamahalaan ay ang total health o pangkabuuang lagay ng kalusugan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng anti-COVID 19 mass vaccination program kasunod ang pagbubukas ng ekonomiya.
Ayon kay Roque, target ng pamahalaan na mapababa ang numero ng kaso ng COVID 19 upang tuluyan nang mabuksan ang ekonomiya ng bansa.
Aminado si Roque na hindi maikakaila na sadyang malaki ang naging epekto ng Pandemya sa buhay at kabuhayan.
Inihayag ni Roque kumpiyansa ang economic team ng pamahalaan na unti-unti nang bumabangon ang ekonomiya ng bansa at tuluyan itong makakabawi habang nagpapatuloy ang vaccination program ng gobyerno.
Vic Somintac