Malakanyang, nagpasalamat kay Spkr.Velasco sa pag-usad ng special session para pagtibayin ang National Budget
Ikinatuwa ng Malakanyang ang maayos na pag-usad ng tatlong araw na special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte para pagtibayin ang 2021 National Budget na nagkakahalaga ng P4.5 trilyon sa ilalim ng liderato ng bagong talagang House Speaker Lord Allan Velasco.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, isa lang naman ang nais ng Pangulo na mangyari, ang mapagtibay ang 2021 National Budget dahil kailangan ito ng pamahalaan sa pagtugon laban sa epekto ng pandemya ng COVID-19.
Ayon kay Roque, anumang nangyayaring pagkilos at reorganization sa loob ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay walang pakialam ang Malakanyang dahil ito ay panloob na usapin sa sangay lehislatura na hindi pinanghihimasukan ng ehekutibo sa ilalim ng Doctrine of Separation of Power at Inter-Department Courtesy.
Ginawa ng palasyo ang pahayag dahil sa pagkakahirang ng mga Mambabatas kay Presidential son Congressman Paolo Duterte bilang bagong Chairman ng makapangyarihang House Committee on Accounts.
Vic Somintac