Malakanyang nakatutok na rin sa pagpasok ng bagong bagyo
Patuloy na nakamonitor ang Malakanyang sa pagpasok ng bagong bagyong si Basyang sa bansa na may international name na Malakas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar, na habang papalabas ang Bagyong Agaton pinaghahandaan narin ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang posibleng epekto ng bagong bagyo.
Ayon kay Andanar , naka-preposition na ang search and rescue team ng NDRRMC katulong ang mga lokal na pamahalaan ng mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyong Basyang.
Inihayag ni Andanar na maging ang Department of Social Welfare and Development o DSWD ay nakahanda narin ang relief operations na kinabibilangan ng mga food packs at non food items.
Tiniyak ni Andanar na ang mga timamaan ng bagyong Agaton at posibleng maapektuhan ng bagyong Basyang ay hindi pababayaan ng pamahalaan.
Umapela si Andanar sa mga residenteng posibleng maapektuhan ng bagyong Basyang na manatiling alerto at laging makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan para sa kaukulang hakbang pangkaligtasan.
Vic Somintac