Malakanyang nakiusap na tigilan na ang paninisi kay Health secretary Francisco Duque III sa naunsyaming pagbili ng COVID-19 vaccine ng Pfizer
Umapela ang Malakanyang na tigilan na ang paninisi kay Health Secretary Francisco Duque III hinggil sa naunsiyaming pagbili ng Pilipinas ng COVID -19 vaccine ng Pfizer na nakatakda sanang ideliver sa Enero ng susunod na taon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque walang nakikitang mali si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ginagawa ni Duque sa laban ng pamahalaan sa COVID- 19 pandemic sa bansa.
Ayon kay Roque nanatili ang tiwala ni Pangulong Duterte kay Duque bilang Secretary ng Department of Health.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag dahil sa patuloy na panawagan ng mga kritiko ng administrasyon na dapat magbitiw na o sibakin na ng Pangulo si Duque dahil sa kapalpakan nito kaya hindi natuloy ang pagbili sa COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer na naisara ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at Philippine Ambassador to Washington Jose Romualdez.
Inihayag ni Roque, tuloy pa naman ang negosasyon ng Pilipinas sa Amerika para makabil ng COVID -19 vaccine na gawa ng Pfizer.
Iginiit ni Roque malinaw ang posisyon ni Pangulong Duterte na pagdating sa negosasyon sa pagbili ng COVID 19 vaccine ang direktang may pananagutan ay si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez.
Vic Somintac