Malakanyang, nalungkot sa naging pagtaya ng World Bank na umurong ng 8.1 percent ang ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon
Aminado ang Malakanyang na hindi talaga maganda ang lagay ng ekonomiya ng bansa ngayong taon dahil sa epekto ng pandemya ng COVID 19 maging ang magkakasunod na kalamidad na sumira ng buhay at kabuhayan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na nakakalungkot ang resulta ng projection ng World Bank sa Pilipinas na nasa 8.1 percent ang economic contraction dulot ng COVID 19 Pandemic sa buong mundo.
Ayon kay Roque sisikapin ng Pilipinas na makabangon ang kabuhayan sa pagpasok ng taong 2021 dahil mayroon ng magandang pag-asa laban sa COVID 19 matapos magamit na sa United Kingdom ang bakuna na ginawa ng Pfizer.
Inihayag ni Roque nais ng economic team ng pamahalaan na tuloy-tuloy ang pagbubukas ng mga negosyo para makabawi ang ekonomiya ng bansa at makapagtrabaho na ang mga manggagawa.
Iginiit ni Roque habang hinihintay sa Pilipnas ang pagdating ng bakuna kailangang sundin lamang ang mga ipinatutupad na health protocol sa pamamagitang ng Ingat Buhay para sa Hanapbuhay Program at huwag kalilimutan ang Mask Hugas Iwas.
Vic Somintac