Malakanyang nalungkot sa resulta ng SWS survey na 82% ng mga pinoy ay naghirap ang buhay sa nakalipas na 12 buwan
Nagpahayag ng kalungkutan ang Malakanyang sa resulta ng Social Weather Stations o SWS survey na nagsasabing 82 percent ng mga pinoy ay nagsasabing naghirap ang kanilang buhay sa nakalipas na 12 buwan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi maikakaila ang pangunahing dahilan ng paghihirap ng buhay ng maraming mamamayan ay dulot ng pandemya ng COVID 19.
Ayon kay Roque, ramdam ng pamahalaan ang epekto ng pandemya ng COVID 19 sa kabuhayan ng bawat mamamayan lalo na noong ipinatupad ang total lockdown.
inihayag pa ni Roque ang nararamdamang paghihirap ng publiko ang pangunahing rason kung bakit inirekomenda ng Inter Agency Task Force o IATF na unti unti ng luwagan ang galaw ng ekonomiya para kumita na ang mga mamamayan sa ilalim ng programang ingat buhay para sa hanapbuhay.
Batay sa SWS survey na isinagawa noong September 17 hanggang September 20 ng taong kasalukuyan na nilahukan ng 1,249 adult respondent nationwide na may margin of error na plus minus 3 percent lumabas na 82 percent o 4 sa bawat 5 pinoy ay naniniwalang naghirap ang kanilang buhay sa nakalipas na 12 buwan.
Vic Somintac