Malakanyang nanawagan sa publiko na huwag magpakalat ng disimpormasyon kasunod ng naranasang malakas na lindol sa Davao del Sur
Nanawagan ang Malakanyang sa publiko na iwasang lumikha pa ng dagdag pagkabahala o pag- aalala sa mga naapektuhan ng 6.9 magnitude na pagyanig na nagpa- uga sa Davao del Sur at iba pang lugar sa Mindanao.
Ito’y sa pamamagitan ng huwag ng pagpapakalat ng anomang disimpormasyon na tiyak aniyang magdudulot ng panic sa mga residenteng tinamaan ng paglindol.
Ayon kay chief Presidential Spokesman Salvador Panelo hindi makakatulong ang pagkakalat ng anomang maling balita o impormasyon sa ganitong pagkakataong nababalutan na ng pangamba ang mga naapektuhan ng kalamidad.
Sinabi ni Panelo ang kailangan ay mapakalma ang mga naapektuhan ng lindol sa halip na dagdagan pa ang takot na nararamdaman ng mga ito.
Tiniyak ni Panelo na nakatutok ang Tanggapan ng Pangulo sa kilos at galaw ng ibat- ibang ahensiya ng pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan hindi lang sa Davao del Sur kundi pati sa iba pang area kung saan ay naramdaman din ang pagyanig na nagpabagsak sa maraming pribado at pampublikong establisyemento.
Ulat ni Vic Somintac