Malakanyang, nanindigang may ligal na basehan ang arrest order ni Pangulong Duterte sa mga bilanggong napalaya dahil sa GCTA Law
Nanindigan ang Malakanyang na may legal na basehan ang arrest order na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bilanggong pinalaya sa ilalim ng Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance o GCTA law.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Salvador Panelo na maituturing na void ab initio o sa simula pa lamang ay walang bisa ang release order sa mga bilanggong napalaya sa ilalim ng GCTA law mula 2014 hanggang sa kasalukuyang taon dahil mali ang interpretasyon sa binabanggit na batas.
Ayon kay Panelo malinaw ang Section 1 ng Republic Act 10592 na hindi kuwalipikado sa GCTA ang mga nahatulan ng parusang reclucion perpetua dahil sa nagawang karumaldumal na krimen.
Niliwanag ni Panelo na mayroong dalawang Jurisprudence o desisyon ng Korte Suprema na binawi ang release order ng mga bilanggo sa ilalim ng GCTA dahil mali ang aplikasyon ng batas at ito ay ang kasong People of the Philippines versus Fidel Tan noong 1967 at ang Manila City Jail Warden versus Estrella noong 2001.
Inihayag ni Panelo na bahala ang Philippine National Police o PNP na ipatupad ang arrest order ng Pangulo sa 1,700 na napalayang bilanggo sa pamamagitan ng bagong GCTA law.
Ulat ni Vic Somintac