Malakanyang, naniniwalang hindi magkakaroon ng reenacted National Budget sa 2022
Kumpiyansa ang Malakanyang na hindi magkakaroon ng reenacted national budget sa susunod na taon.
Ito’y sa kabila ng patuloy na pakikipagbanggaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Senador dahil sa imbestigayon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon kaugnay ng umano’y anomalya sa pagbili ng medical supplies ng Department of Health at Procurement Service ng Department of Budget and Management sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na ginagamit sa paglaban sa Pandemya.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi pabor ang reenacted budget sa mga re-electionist na Senador at Kongresista dahil mayroong kani-kanyang pet projects ang mga ito na nakapaloob sa 2022 proposed national budget na nagkakahalaga ng 5.024 trilyong piso.
Ayon kay Roque pipilitin ng mga reelectionist na mambabatas ng dalawang kapulungan ng Kongreso na ipasa ang national budget para maisakatuparan ang kanilang pet projects na magagamit bilang campaign booster sa kanilang ambisyon na muling mahalal sa puwesto sa eleksyon sa Mayo ng susunod na taon.
Inihayag ni Roque kung hindi maipapasa ng Senado ang 2022 proposed national budget, hindi ito kasalanan ni Pangulong Duterte kundi pagkukulang ito ng mga mambabatas.
Niliwanag ni Roque, mahalaga na maipasa ang 2022 national budget dahil nakapaloob din dito ang pondong gagamitin sa patuloy na paglaban sa COVID-19 at ang economic recovery program ng pamahalaan para maibangon ang kabuhayan ng bansa na nalugmok dahil Pandemya ng Coronavirus.
Vic Somintac