Malakanyang, naniniwalang nagkaroon ng security lapses kaya naganap ang madugong pagsabog sa Jolo bombing
Pinasalamatan ng Malakanyang ang mga bansang napaapot ng pakikiramay sa mga naging biktima ng madugong pambobomba sa Cathedral ng Jolo Sulu na ikinamatay ng mahigit dalawampung katao at ikinasugat ng maraming iba pa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na galit si Pangulong Rodrigo Duterte sa insidente dahil sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaan na isulong ang kapayapaan sa Mindanao ay mayroon paring mga grupo ang kontra sukdulan gumamit ng karahasan at terorismo.
Ayon kay Panelo iniutos na ni Pangulong Duterte sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na tulungan ang mga pamilya ng mga biktima ng pagsabog.
Inihayag ni Panelo na hihintayin ng Pangulo ang resulta ng mga isinasagawang inbestigasyon para matukoy kung sino talaga ang responsable sa pambomba sa Jolo.
Naniniwala si Panelo na higit na kailangan ang pananatili ng Martial law sa Mindanao dahil sa kabila ng pag-iral nito ay naganap parin ang pag-atake ng mga terorista.
Hindi rin isinasantabi ng Malakanyang ang pagkakaroon ng security lapses sa panig ng militar at pulisya dahil nakalusot ang mga terorista at naisagawa ang kanilang pag-atake.
Sa ngayon ay pinag-ibayo pa ng mga security personnel ng pamahalaan ang seguridad sa buong Mindanao upang hindi naaulit ang madugong insidente ng pambobomba.
Ulat ni Vic Somintac