Malakanyang, natawagan na rin ng pansin sa muling pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa bansa
Nakikita ng Malakanyang ang muling paglobo ng kaso ng COVID 19 sa bansa. Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na pinag-aaralang mabuti ng Inter Agency Task Force (IATF) ang sitwasyon dahil hindi na kakayanin ng ekonomiya kung muling magpapatupad ng total lockdown tulad ng nangyari noong nakaraang taon.
Ayon kay Roque kapansin-pansin ang pagtaas ng kaso ng COVID 19 sa bansa partikular na sa Metro Manila dahil sa loob ng nakalipas na tatlong araw ay pumalo sa mahigit 3,000 kada araw ang naitalang kaso ng Coronavirus.
Inihayag ni Roque wala pang konklusyon ang mga Health expert ng gobyerno kung ang dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay dulot ng United Kingdom at South African variant.
Niliwanag ni Roque posibleng nagpapabaya ang publiko sa pagsunod sa standard Health protocol na Mask, Hugas, Iwas kaya dumarami ang nagpopositibo sa COVID-19 sa nakalipas na mga araw.
Iginiit ni Roque ng magpatupad ng lockdown noong nakaraang taon ay naglalayon na makontrol ang pagkalat ng coronavirus at mapalakas ang Healthcare ang response capacity ng bansa subalit ngayon kahit may pagtaas ng kaso ay mas higit na handa ngayon ang mga Health frontliners dahil nakapag-umpisa na ang pamahalaan ng rollout ng anti COVID 19 vaccine.
Batay sa report tumaas ang kaso ng COVID-19 sa apat na lungsod ng Metro Manila na kinabibilangan ng Pasay, Makati, Malabon at Navotas.
Vic Somintac