Malakanyang, pinabulaanan na hindi patas ang pamamahagi ng anti COVID – 19 sa LGU’s
Mariing itinanggi ng Malakanyang na hindi patas ang distribusyon ng alokasyon ng bakuna laban sa COVID 19 sa mga Local Government Units o LGU’S.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi matatawag na inequality bagkus batay sa siyensiya ang ginagawang pamimigay ng anti COVID 19 vaccine sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Paliwanag ni Roque sadyang ang mga lugar na may mataas na kaso ng COVID 19 ang may malaking alokasyon ng bakuna dahil ito ang nakikitang depensa sa lalo pang pagkalat ng virus.
Ayon kay Roque ang National Capital Region o NCR plus ang may pinakamalaking parte ng mga bakunang dumarating sa bansa gayundin ang Metro Cebu at Metro Davao dahil sa laki ng kaso ng COVID 19.
Inihayag ni Roque maging ang iba pang lugar ngayon sa Visayas at Mindanao na may naitatalang pagtaas ng kaso ng COVID 19 ay pinadadalhan na ng dagdag na alokasyon ng bakuna.
Muling umapela si Roque na panatilihin parin ang pagsunod sa ipinatutupad na minimum health standard na mask, hugas, iwas at magpabakuna.
Vic Somintac