Malakanyang, pinawi ang pangamba ng publiko kasunod ng SWS survey kung saan maraming Pinoy ang natatakot na baka maging biktima ng EJK
Naiintindihan ng Malakanyang ang takot ng publiko sa isyu ng extrajuducial killings o EJK sa bansa.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag kasunod ng lumabas na SWS survey kung saan nagpapakita na 78% ng mga Pinoy ay nangangamba na baka sila o kakikilala nila ay maging biktima ng EJK.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo nauunawaan Malakanyang ang sentimyentong ito ng maraming Pilipino na bunga umano ng dinoktor na bilang ng kaso ng EJKS at pag-sensationalized ng mga kritiko ng gobyerno sa kampanya ng administrasyon kontra illigal na droga.
Sinabi ni Panelo hindi kinikonsinti ng pamahalaan ang mga insidente ng pagpatay at lahat ng kasong ini-uugnay sa extra judicial killings ay masusing iniimbestigahan ng mga otoridad.
Iginiit ni Panelo na ang mga kaso ng EJKs at vigilante killings ay hindi state sponsored at walang kinalaman ang pamahalaan. Dagdag pa ni Panelo walang puwang ang impunity sa Duterte Administration.
Samantala ikinatuwa naman ng Malakanyang ang survey result kung saan pito sa bawat sampung Pinoy ang naniniwalang seryoso ang gobyerno na maresolba ang kaso ng EJKs sa bansa.
Mas mataas ang bilang na ito ng 8% kumpara sa 63 % noong June 2017.
Ulat ni Vic Somintac