Malakanyang pinayuhan ang mga lalahok sa mga political caravan na dapat fully vaccinated na laban sa COVID-19
Pinaalalaahanan ng Malakanyang ang mga sasali sa mga isinasagawang political caravan na dapat fully vaccinated na laban sa COVID-19 upang masigurong protektado laban sa coronavirus.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na posibleng maging super spreader ng COVID-19 ang mga isinasagawang political caravan ng mga politiko na tatakbo sa halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Nograles, tinatawagan ng pansin ng Inter Agency Task Force o IATF ang local government units o LGU’s na mahigpit na ipatupad ang standard health protocol sa anumang mass gathering dahil nananatili parin ang banta ng COVID-19 dahil sa Omicron variant.
Inihayag ni Nograles , kapansin-pansin ang mga isinasagawang political caravan na hindi na nasusunod ang ipinatutupad na standard health protocol.
Vic Somintac