Malakanyang: PRRD, naiinip na rin sa pagdating ng anti-Covid vaccine
Hindi lang publiko ang naiinip sa pagdating ng anti COVID 19 vaccine sa bansa kundi maging si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na nagsalita na si Pangulong Duterte hinggil sa kanyang pagkainip sa pagdating ng anti COVID 19 vaccine.
Ayon kay Roque kumikilos naman ang pamahalaan para mapabilis ang pagdating ng bakuna subalit may mga naging problema partikular na ang isyu ng indemnification agreement.
Inihayag ni Roque dahil sa indemnification agreement naantala ang pagdating sa bansa ngayong buwan ng Pebrero ng 117,000 doses ng Pfizer Biontech anti COVID 19 vaccine na mula sa COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).
Ipinahiwatig din ni Roque na maging ang 600,000 doses ng Sinovac anti COVID 19 vaccine na donasyon ng China ay nanganganib din na hindi makarating sa February 23 dahil kulang pa ang mga dokumento para mabigyan ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration (FDA).
Inaasahan sana ng Pilipinas na ngayong Pebrero ay mapasisimulan ang pagbabakuna sa mga medical frontliners para mapalakas ang health response sa patuloy na pananalasa ng pademya ng COVID 19.
Vic Somintac