Malakanyang, pumalag sa patuloy na paninira ng UN Special Rapporteur sa Duterte administration
Umalma ang Malakanyang sa report ng Special Rapporteur hinggil sa sitwasyon ng karapatang pantao ng ilang personalidad sa bansa.
Tinutukoy dito sina Senadora Leila de Lima, dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Rappler CEO Maria Ressa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang basehan ang report ng special raporteur sapagkat pawang pekeng impormasyon a ang ibinigay ng partisan groups dito para makakuha sila ng simpatiya at sa layuning mabanatan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakasaad sa report ng special rapporteur na ang pagpapakulong kay de Lima, pag impeach kay Sereno at pagsasampa ng asunto laban kay reyssa ay isang disenyo umano ng administrasyong Duterte para patahimikin ang mga ito sa kanilang pagbanat.
Inihayag ni Panelo na ang mga sirkumstansiya o pangyayaring nakapalibot sa tatlong personalidad ay sarili nilang kagagawan bago pa man naupo sa puwesto ang Pangulo.
Katwiran ni Panelo si de Lima ang dating Justice Secretary nang naging talamak ang iligal na droga sa New Bilibid Prisons kung saan siya nasangkot sa kaso at dahilan ng kaniyang pagkakakulong ngayon.
Si Sereno naman aniya ay nabigong magsumite ng kumpletong kopya ng kaniyang SALN nang nag aplay ito noon bilang punong mahistrado sa nagdaang administrasyong Aquino na siyang pinagbatayan ng pagpapatalsik sa kaniya sa pwesto.
Niliwanag ni Panelo na si Ressa naman ay hindi nagbayad ng tamang buwis at naglathala pa ng maling artikulo na nakasama sa pagkatao at imahe ng isang pribadong indibidwal ito ay sa panahong hindi pa nakaupo sa pwesto ang Pangulo.
Binigyang diin ni Panelo malinaw aniya sa mga sirkumstansiyang ito na hindi dapat isisi sa kasalukuyang administrasyong Duterte kung may kinakaharap mang paglabag sa batas sina de Lima, Sereno at Ressa.
Ulat ni Vic Somintac