Malakanyang sinagot si Senador Panfilo Lacson sa P12.09 -T na utang ng Pilipinas na ipamamana sa susunod na Presidente ng bansa
Itinuturing ng Malakanyang na bahagi ng pamumulitika ang pahayag ni Senador Panfilo Lacson na isa sa mga tumatakbo sa pagka-presidente sa halalan sa Mayo na dapat ikahiya ng Duterte administration ang ipapamanang 12.09 trilyong utang ng Pilipinas sa susunod na Pangulo ng bansa.
Sinabi ni Acting Presidential Spokesman Communications Secretary Martin Andanar na ipinaliwanag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan ng pangungutang ng pamahalaan sa mga international financial institutions.
Ayon kay Andanar,kailangang mangutang ang pamahalaan para pondohan ang mga programa at proyekto ng administrasyon sa ilalim ng build build build program.
Inihayag ni Andanar na tiniyak naman ng Pangulo na lahat ng perang inutang ay ginastos sa wastong paraan na pakikinabangan ng taongbayan at hindi napunta sa katiwalian.
Batay sa pahayag ni Lacson ang magiging legacy ng Duterte administration ay mag-iiwan ng napakalaking utang na babayaran ng susunod na henerasyon.
Binigyang diin ng Malakanyang na sa kabila ng krisis at problema na pinagdadanan ng bansa dahil sa pandemya ng COVID-19 at epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine ay iiwan ng Duterte administration ang magandang pagbabago sa gobyerno na may kaugnayan sa imprastraktura na magpapaangat ng ekonomiya ng bansa.
Vic Somintac