Malakanyang: Sinovac anti-Covid-19 vaccine ng China, dadaan sa masusing pagsusuri ng FDA bago bilhin ng Pilipinas
Tiniyak ng Malakanyang na dadaan sa masusing pagsusuri ng Panel of Expert ng Food and Drug Administration o FDA ang anumang bakuna laban sa COVID 19 na bibilhin ng Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na malinaw ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na pangunahing criteria sa pagpili ng bibilhing anti COVID 19 vaccine ay dapat epektibo.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos lumabas ang report na pinigil ng China sa ikatlong pagkakataon ang pagpapalabas ng data ng Sinovac vaccine matapos ang final clinical trial sa bansang Brazil na sinasabing 50 percent lamang ang efficacy laban sa COVID 19.
Ang Sinovac ang isa sa bakuna na tinitignan ni Secretary Galvez na bibilhin ng Pilipinas na inaasahang darating sa bansa sa unang quarter ng susunod na taon. Batay sa record ng World Health Organization o WHO, tanging ang Pfizer at Moderna na gawa ng Amerika ang mayroong Emergency Use Authorization na bakuna laban sa COVID 19.
Vic Somintac