Malakanyang umaasang mapipirmahan ni PRRD ang 5.024 trilyong proposed National Budget bago matapos ang taon
Tiwala ang Malakanyang na malalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang pambansang pondo na nagkakahalaga ng 5.024 trilyong piso bago matapos ang taon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na naipasa na sa dalawang kapulungan ng kongreso ang panukalang national budget at inaasahan na mauumpisahan na ang bicameral conference committee deliberation.
Ayon kay Nograles sa sandaling matapos ang bicameral meeting agad itong raratipikahan ng Senado at mababang kapulungan ng Kongreso upang maisumite na sa Office of the President para lagdaan.
Inihayag ni Nograles na hindi nakikita ng Malakanyang na magkakaroon ng re-enacted budget lalo na ngayong nasa huling yugto na ang Duterte administration at nasa gitna parin ng pandemya ng COVID-19 ang bansa.
Vic Somintac