Malakanyang wala pang nakikitang mabigat na dahilan para magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa bansa
Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo sa bansa na nakakaapekto na sa presyo ng mga pangunahing bilihin wala pang nakikitang mabigat na dahilan ang Malakanyang para magpatupad ng price freeze.
Sinabi ni Assistant Secretary Anne Claire Cabochon ng Consumers Protection Group ng Department of Trade and Industry o DTI mayroong mekanismo na dapat sundin bago makapagpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Cabochon batay sa Price Act kinakailangang magdeklara muna ang pamahalaan ng State of National Economic Emergency bago makapagpatupad ng price freeze sa mga basic commodities.
Inihayag ni Cabochon na mahigpit na minomonitor ng DTI ang galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga supermarkets at pampublikong pamilihan kung nasusunod parin ang ipinatutupad na suggested retail price o SRP.
Batay sa mga naglalabasang report mayroon ng pagtaas sa presyo ng ilang pangunahing bilihin dahil sa sunod-sunod na pagtataas sa halaga ng mga produktong petrolyo sa bansa bunsod ng unstable na presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan kaugnay ng giyerang nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Vic Somintac