Malakanyang,binantaang ipasasara ang mga establisyimentong hindi sumusunod sa minimum public health standard protocol
Binalaan ng Malakanyang ang mga may-ari ng mga malls at iba pang pasyalan na ipasasara ng gobyerno kapag nakitaan ng mga paglabag sa pagpapatupad ng minimum public health standard protocol.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na tungkulin ng mga may-ari ng mga establisyimento na siguruhing nasusunod ang mga patakarang itinakda ng Inter Agency Task Force o IATF.
Ayon kay Roque, hinihingi ng pamahalaan ang kooperasyon ng lahat para magpatuloy ang pagbubukas ng ekonomiya sa gitna ng pandemya ng COVID-19.
Inihayag ni Roque nasa taongbayan at mga may-ari ng establisyimento ang susi kung magpapatuloy ang paglululuwag ng mga patakaran sa pamamagitan ng tamang pagsunod sa minimum public health standard protocol.
Niliwanag ni Roque,hangga’t maaari ay ayaw na ng pamahalaan na magpatupad ng mahigpit na patakaran dahil malaki na ang pinsalang idinulot ng pandemya ng COVID-19 sa buhay at kabuhayan sa bansa.
Vic Somintac