Malakas na ulan inaasahang mananalasa sa central at eastern China
Inaasahang babayuhin ng malakas na mga pag-ulan ang China sa mga darating na araw, babala ng mga awtoridad, isang araw pagkatapos mamatay ang walo katao sa central Hunan province dulot ng landslide na bunga ng malakas na mga pag-ulan.
Sinabi ng National Meteorological Center (NMC), na ang walang tigil na malalakas na mga pag-ulan ay tinatayang magpapatuloy hanggang sa Huwebes sa ilang mga lalawigan sa magkabilang panig ng central, eastern at southern regions ng bansa.
Ang forecast ng NMC ay may kasamang isang red alert, ang highest-level warning, na ang “lubhang malakas na mga pag-ulan” ay maaaring maranasan sa bahagi ng Anhui, Jiangxi at Zhejiang provinces hanggang alas-2:00 ng hapon, Martes (0700 GMT).
Ang nabanggit na mga lugar ay maaaring dumanas ng 250-270 mm ng ulan ayon sa NMC.
Kasunod ng ilang araw nang tuloy-tuloy na mga pag-ulan sa Huangshan, isang sikat na tourist city sa eastern Anhui province, mahigit sa 54,000 katao ang inilikas nitong Linggo ng hapon, ayon sa ulat ng state news agency na Xinhua.
Ang kasalukuyang nararanasang malalakas na mga pag-ulan sa lugar ay nagsimula noong June 18, ayon sa Xinhua, kung saan dose-dosenang mga atraksiyon ang nagsara.
Ang China ay dumanas ng ‘extreme weather conditions’ at hindi pangkaraniwang mataas na temperatura nitong nakalipas na mga buwan.
Ang mga pag-ulan noong isang linggo sa southern Guangdong province, ay nag-trigger ng mga pagbaha at landslides, kung saan hindi bababa sa 38 katao ang namatay.
Nitong Linggo, ang malakas na mga pag-ulan sa mabundok na Hunan province ay nagbunga ng pagkamatay ng walo katao, bunsod ng landslide na naging sanhi nang pagguho ng apat na mga bahay sa isang village.