Malaking bahagi ng Luzon at Visayas, uulanin ngayong Lunes dahil sa Habagat na pinaigting ng TS Fabian at isa pang bagyo sa labas ng PAR
Bahagyang lumakas ang Tropical Storm Fabian habang kumikilos pa-Hilaga, Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 kilometers per hour.
Sa 5:00 am forecast ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,090 kilometers Silangan, Hilagang-Silangan ng extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kph malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 105 kph.
Samantala, ang isa pang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay huling namataan sa layong 900 kilometers Kanluran ng extreme Northern Luzon.
Ang LPA na ito kasama ang bagyong Fabian ay walang direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa pero pinapalakas nito ang Habagat na siyang nagdadala naman ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon at Kabisayaan.
Ngayong Lunes dahil sa epekto ng Habagat ay asahan ang mga pag-ulan sa Ilocos Region, at mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Occidental Mindoro at Palawan.
Magiging maulap naman ang papawirin sa Metro Manila at Calabarzon na may kalat-kalat na pag-ulan.
Habang sa nalalabing bahagi ng Luzon ay maaliwalas ang magiging panahon pero may mga tsansa ng panandaliang pag-ulan dulot ng thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, walang lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone wind signal pero pinag-iingat ang mga residente na apektado ng mga pag-ulan lalu na sa Batanes at Babuyan islands.
Inaasahang Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga lalabas na ng PAR ang bagyo.
Ang nalalabing bahagi naman ng Visayas at Mindanao ay maulap na papawirin ang mararanasan na may biglaang pag-ulan at pagkidlat sanhi ng localized thunderstorms.
Pinag-iingat din ang paglalayag sa western seaboards ng Palawan kabilang ang Kalayaan islands dahil sa posibleng maging maalon ang karagatan.