Malaking kaltas sa suweldo ng mga pulis na may pagkakautang sa mga Loan sharks, pinasisiyasat na ni Pangulong Duterte

Pinaiimbestigahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang reklamo ng  mga pulis hinggil sa umano’y labis na pagkaltas ng PNP Finance Department mula sa kanilang suweldo ng halagang ipambabayad sa kanilang utang para sa mga private loan sharks.

Ayon kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go umabot na sa kaalaman ng Pangulo ang kalbaryo ng maraming mga pulis bunsod ng  iligal na pagkaltas na ipinadadaan pa sa finance department ng PNP.

Sinabi ni Secretary Go na inatasan ni Pangulong Duterte sina DILG OIC Secretary Eduardo Ano at PNP Chief Director General Oscar Albayalde upang siyasatin ang nasabing usapin at agad na gawan ng aksiyon ang problema ng mga pulis.

Inihayag ni Secretary Go na nais ng Pangulo na direkta nang mga lehitimong finance institution ang magbawas sa suweldo ng mga pulis na may pagkaka-utang sa kanila sa halip na idaan pa sa PNP Finance department.

Sa halip na mapakinabangan ng mga kagawad ng PNP ang dobleng sahod na pinagsikapan ng Pangulo para sa kanila tila napupunta lang ito sa mga loan shark na hindi aniya papayagan ni Pangulong Duterte.

SECRETARY BONG GO:

“Pinag-usapan na ho namin noong Martes sa Command Conference.

Umabot na po sa level ni Pangulo at naging topic po namin sa Command Conference at nagkaroon po ng usapan doon with Secretary Año and General Albayalde, gagawan kaagad ng paraan iyong problemang ‘yan.  So iyong mga iligal na pagkaltas hindi na mangyayari”.

 

Ulat ni Vic Somintac

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *