Malalaking ospital sa NCR, ilang ospital sa Davao at Cebu, kabilang sa unang makatatanggap ng COVID-19 vaccines
Ilang malalaking ospital sa Metro Manila at ilang ospital sa Davao at Cebu ang kabilang sa makakasama sa mabibigyan sa unang batch ng parating na COVID-19 vaccines sa bansa.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng nalalapit na pagdating ng mga bakuna ng Pfizer BioNTech.
Batay sa priority list na inilatag ng pamahalaan, kabilang sa unang makatatanggap ng bakuna ang mga medical frontliner.
Ilan sa mga healthcare workers na unang makatatanggap ng COVID-19 vaccine ay mga staff ng Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium, at East Avenue Medical Center.
Pero ayon kay Vergeire, bukod sa kanila ay makatatanggap rin ng unang batch ng bakuna ang ilang ospital sa Cebu at Davao.
Paliwanag ni Vergeire, ang prayoridad na mabigyan ng bakuna ay mga COVID-19 referral centers, malalaking ospital ng mga LGU at 5 pribadong ospital sa Metro Manila.
Nasa 117,000 doses ng bakuna ang nakatakdang dumating sa bansa mula sa Covax facility ngayong buwan.
Madz Moratillo