Malalang uri ng mpox, natukoy sa advanced HIV cases
Sinabi ng mga mananaliksik, na natukoy nila ang isang partikular na malubhang uri ng mpox sa mga taong may advanced HIV, na may death rate na 15% sa mga pasyenteng may AIDS.
Ang mpox, na unang nakilala sa tawag na monkeypox, ay matagal nang endemic sa ilang mga bansa sa Africa subalit nagsimulang kumalat sa buong mundo noong nakaraang Mayo, na ang karamihan ng mga naapektuhan ay mga lalaking nakipagtalik sa kapwa nila lalaki.
Higit 85,800 mga kaso ng mpox, kabilang ang 93 na namatay, ang napaulat sa 110 mga bansa, ayon sa World Health Organization (WHO).
Batay sa isang pag-aaral na nalathala sa Lancet Journal, nasa pagitan ng 38-50% ng global mpox patients ay mayroon ding HIV.
Para sa pag-aaral, tiningnan ng isang international team ng mga clinician ang 382 kataong parehong may HIV at mpox mula sa 19 na mga bansa. Sa bilang ay kasama ang 27 kataong namatay na dahil sa sakit – higit 1/3 ng kabuuang bilang ng namatay sa panahon ng global outbreak.
Tinukoy ng mga clinician ang isang partikular na matinding uri ng sakit, na tinatawag nilang “fulminant mpox,” na nakaaapekto sa mga taong may advanced HIV o AIDS. Kasama sa mga sintomas ang malalaking sugat sa balat, sa ari at minsan kahit sa baga.
Ang pinakamalalang sugat at iba pang sintomas ay madalas na nakikita sa mga pasyente na may pinakamababang bilang ng isang uri ng white blood cell na tinatawag na CD4 cells.
Sinisira ng HIV ang CD4 cells, na ginagamit bilang indicator para sa kalusugan ng immune system ng pasyente.
Ang isang malusog na tao na walang HIV ay dapat na may CD4 count na mas mataas sa 500 cells per cubic millimetre ng dugo.
Ang mga tao ay nada-diagnose na may AIDS kapag ang bilang ng kanilang CD4 ay bumagsak nang mas mababa sa 200, ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention.
Ang malalang uri ng mpox ay nagresulta sa pagkamatay ng 15 porsiyento ng mga pasyente na may CD4 count na mas mababa sa 200, na kinabibilangan ng 27 ayon sa pag-aaral, na binigyang-diin na ang sample size ay maliit.
Ang mga taong gumagamit ng antiretroviral therapy para sa kanilang HIV ay kadalasang may mas mataas na bilang ng CD4 kaysa sa 200, na nagmumungkahi na ang mga taong pinakalantad sa malubhang uri ng mpox ay malamang na hindi mabigyan ng treatment.
Sinabi ng unang author ng pag-aaral na si Oriol Mitja ng Germans Trias i Pujol University Hospital ng Spain, “Health authorities should prioritise mpox vaccines for ‘people living with HIV,’ particularly in countries with low levels of diagnosis or without universal free access to antiretroviral treatment.”
Nanawagan din ang mga researcher upang ang malalang uri ng mpox ay mairagdag sa talaan ng “AIDS-defining conditions” na minamantini ng international public health agencies, na makatutulong sa mga manggagamot para matukoy kung aling impeksyon ang pinakadelikado para sa mga taong may HIV.
Sinabi ni Matthew Hodson, executive director ng UK-based charity NAM Aidsmap, na ipinakita ng pag-aaral na sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mpox sa halos buong mundo, ang sakit ay nananatiling isang “banta” para sa mga taong may advanced HIV.
© Agence France-Presse