Malayang pag-uusap sa kalakalan muling inilunsad ng EU at Pilipinas
Inanunsiyo ng European Union (EU) at Pilipinas ang pagpapatuloy ng mga negosasyon para sa isang malayang kalakalan o free trade agreement, kung saan sinabi ng Brussels na ang unang bahagi ng mga pag-uusap ay magsisimula sa “huling bahagi ng taon.”
Sa isang press conference sa Brussels ay sinabi ni EU trade commissioner Valdis Dombrovskis, “The conditions are right to take our trade relations to the next level,”
Ang mga pag-uusap ay nagsimula noong 2015 sa ilalim ng noo’y Pangulo ng Pilipinas na si Benigno Aquino III, ngunit natigil dalawang taon makalipas sa ilalim ng pumalit sa kaniya na si Rodrigo Duterte.
Inanunsiyo ng magkabilang panig ang intensiyon nila na muling buksan ang negosasyon nang bumisita sa Maynila ang EU chief na si Ursula von der Leyen noong isang taon.
Sinabi ng Pilipinas, na lubhang nakadepende sa pakikipagkalakalan sa China, na nais nitong palawakin ang ugnayang pang-ekonomiya sa ibang mga bansa upang makamit ang higit na “katatagan.”
Ang EU ang ika-apat na pinakamalaking trading partner ng Pilipinas at isa sa pinakamalaking mamumuhunan sa bansa.
Sinabi ni Philippines trade minister Alfredo Pascual, “The future of EU-Philippines economic relations hold immense promise.”
Hinahangad din ng EU na palakasin ang mga relasyon sa kalakalan sa buong mundo sa mga bansang maaaring makatulong na ma-diversify ang kanilang mga suplay ng pangunahing hilaw na mga materyales na kailangan sa paglipat sa green technology.
Ang Pilipinas ay mayroong malaking reserba ng ‘critical raw materials’ na kinabibilangan ng nickel, copper at chromite.