Malinis at tamang Covid-19 Data, hiniling ng UP-Octa Research team sa DOH at mga LGU
Nanawagan ang University of the Philippines Octa Research Team sa Department of Health (DOH) at sa mga Local Government Units na gawing malinis at tama ang record ng kaso ng Covid -19 sa bansa.
Sinabi ni Dr. Ranjit Rye na ang tamang data ang magbibigay sa mga eksperto ng malinaw at tamang forecast at projections sa pagharap sa problema ng Covid-19.
Ayon kay Dr. Rye, mahalaga ang tumpak na data record para sa paggawa ng mga hakbang ng Inter Agency Task Force o IATF na siyang nagrerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ng mga patakaran para makontrol ang kaso ng Covid 19.
Inihayag ni Dr. Rye na kapag maayos ang data mas maganda ang magagawang models at projections na siyang magiging batayan ng gobyerno para gumawa ng magandang programa at mga patakaran laban sa Covid-19.
Niliwanag ni Dr. Rye na wala pang solusyon sa Covid-19 at nasa crisis level pa ngayon ang bansa.
Binigyang-diin ni Dr. Rye na bagamat may nakitang kaunting pagbaba sa case doubling rate ng kaso ng Covid-19 noong isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ ang Metro Manila kasama ang lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal hindi ito sapat para tuluyang ma-flatten ang curve ng Covid-19.
Iginiit ng UP Octa Reasearch Team na kailangang sundin ng buong higpit ang ipinatutupad na minimum health standard protocol upang hindi na lumobo pa ang kaso ng Covid-19 lalo na’t nasa General Community Quarantine ang Metro Manila at mga karatig lalawigan.
-Vic Somintac