Mandatory 5% savings sa mga ahensya ng gobyerno para pagkunan ng ayuda, iminungkahi
Ipinanukala sa Duterte Administration ang mandatory 5% savings sa lahat ng tanggapan at ahensya ng pamahalaan para mapagkunan ng ayuda.
Ang mungkahi ay inilatag ni Congressman Alan Peter Cayetano bilang counter-proposal sa P200 pesos na ayuda para sa mahihirap na pamilya ngayong tumataas ang presyo ng mga bilihin dala ng pagsipa ng presyo ng petroleum products.
Tinatayang makalilikom ng P250 billion ang gobyerno mula sa mandatory savings.
Mula sa nasabing halaga ay kaya aniyang makapagbigay ng pamahalaan ng P10,000 sa bawat pamilya.
Sinabi rin ni Cayetano na kung mas malaki ang ayuda ay mahihimok pa ang mga tao na ipuhunan ang bahagi nito sa pagsisimula ng maliit na negosyo at makatulong pa sa ekonomiya.
Iginiit ng kongresista na hindi lang pantawid na ayuda ang kailangan ng mga Pilipino kundi pang-ahon din.
Tiwala si Cayetano na madaming mapagkukunan ng pondo ang gobyerno para mas malaki ang maibigay na tulong sa mga Pinoy.
Una nang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ni Finance Secretary Carlos Dominguez na panatilihin ang excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law
Gayunman, bibigyan ng targeted subsidies na P200 ang 12 milyon mahihirap na mamamayan.
Moira Encina