Mandatory evacuation ng mga Pinoy sa Ukraine sinimulan na, nang itaas ng DFA ang Alert Level 4
Isinasagawa na ngayon ang mandatory evacuation ng mga Filipino sa Ukraine nang itaas ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang crisis alert level 4 para sa lahat ng lugar sa bansang iyon na nasalanta ng digmaan nang atakihin ng mga puwersa ng Russia.
Inilabas ng DFA ang advisory nitong Lunes, Marso 7, habang humigit-kumulang 1.7 milyong Ukrainians ang lumikas sa ibang mga bansa upang makatakas sa matinding pambobomba ng mga puwersa ng Russia sa kanilang bansa.
Ang Alert Level 4 ay itinataas kapag mayroong “large-scale internal conflict or full-blown external attack.”
Tatlong grupo ng Filipino evacuees galing Ukraine ang kamakailan ay dumating sa bansa, kasama ng kanilang dependents. Ang mga ito ay umalis sa Warsaw, Poland noong Sabado, March 5, at dumating sa Maynila nitong Linggo, March 6.
Ayon sa DFA, ang mga ito ay nagmula sa capital city ng Kyiv at iba pang lugar sa western part ng Ukraine.
Ang unang grupong kinabibilangan ng apat na Filipino adults, tatlong Filipino-Ukrainian children kasama ng kanilang Ukrainian mothers, ay dumating noong Sabado ng hapon lulan ng isang Qatar Airlines flight.
Ang ikalawang grupo na binubuo ng dalawang Filipino adults, isang batang Filipino-Ukranian child, at kaniyang inang Ukrainian ay dumating naman kinagabihan ng Sabado rin, habang ang pangatlong grupong kinabibilangan ng tatlong Filipino nationals mula sa Kyiv ay dumating sa Maynila sa sarili nilang arrangements.
Ngayong ipinatupad na ang Alert Level 4 sa Ukraine, nagsimula na rin ang mandatory evacuation ng mga Pinoy.
Ayon sa DFA . . . “Filipinos in Ukraine will be assisted by the Philippine Embassy in Poland and the Rapid Response Team, which are currently assisting Filipino nationals for repatriation and relocation.”
Pinayuhan ng ahensiya ang mga Pinoy na nananatili pa sa Ukraine, na kontakin ang Philippine Embassy sa Poland sa pmamagitan ng telepono, Viber, o Whatsapp sa +48 604 357 396.
Maaari ring kontakin ang Assistance-to-Nationals (ATN) office sa pamamagitan ng telepono, Viber, o Whatsapp sa +48 694 491 663.
Pahayag pa ng ahensiya . . . “The DFA continues to closely monitor the political and security developments in Ukraine. The Philippine Honorary Consulate General in Kyiv assisted the evacuees in traveling from Kyiv to the western Ukrainian city of Lviv, while the Philippine Embassy in Warsaw provided for their transportation, accommodation and meals in Warsaw.”
Ang DFA ay may apat na antas ng alerto—Alert Level 1 o ang ‘precautionary phase,’ Alert Level 2 o ‘restriction phase,’ Alert Level 3 o voluntary repatriation phase, at Alert Level 4 para sa mandatory evacuation o repatriation.