Mandatory face mask, ipatutupad na rin sa Manila City Hall
Sumama na rin ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pagpapatupad ng mandatory face masking sa loob ng City Hall.
Ito ang inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna sa Facebook page ng Lungsod.
“Simula sa araw na ito, mahigpit nating ipatutupad ang pagsusuot ng facemask sa loob ng inyong mga tanggapan at sa lahat ng dadayo sa Manila City Hall,” anunyo pa ni Mayor Lacuna.
Sa tala ng Manila LGU ngayong Martes, May 16, umabot sa 214 ang aktibong kaso ng COVID-19 habang 217 active cases naman ang naitala nitong May 15, 2023.
Aprubado naman sa Department of Health (DOH) ang mga aksyong ito ng mga lokal na pamahalaan matiyak lamang na naka-align pa rin sa protocol ng gobyerno.
“Itong mga restriction nila basta align sa protocol, affirm natin, Nasa direksyon na tayo kung saan binibigyan natin ng kapasidad ang mga establishment, mga LGU to impose restriction basta rational,” paliwanag ni DOH Officer-in-Charge Ma. Rosario Vergeire sa media briefing.
Pero paglilinaw ni Vergeire sa ngayon ay hindi pa rin sila magre-rekomenda sa Pangulo ng pagbabalik ng mandatory face mask policy.
“Hindi namin nakita sa sitwasyon na DOH ang magre-rekomenda sa ating President o IATF ng ipag-utos o ipatupad ang mandatory face mask. Naniniwala ang DOH at IATF members na LGU is capacitated na para malaman natin kelan risky and safe,” paliwanag pa ng opisyal.
Sa data ng DOH, mula Mayo 9 hanggang 15 ay umabot sa 12,592 ang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa at may average cases per day na 1,798.
Aminado ang DOH na tumaas ang positivity rate pero hindi umano ito dapat na maging dahilan para mag-panic ang publiko.
Nananatili pa rin umanong mababa ang occupancy rate ng mga ospital at COVID beds.
Madelyn Villar – Moratillo