Mandatory repatriation sa mga Pinoy sa Libya, ipinatutupad na matapos itaas sa Alert level 4 ang sitwasyon doon
Mandatory repatriation na ang ipatutupad ng pamahalaan sa mga Overseas Filipino Workers(OFWs) sa Libya matapos itaas sa Alert level 4 ang sitwasyon sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Radyo Agila kay OWWA Administrator Hans Cacdac, kailangan nang mailikas ang mga kababayan nating mga Pinoy sa Libya at mapauwi ng ligtas sa bansa.
Nagpadala na ng mga teams sa Libya ang Labor Department at sila ang mangangasiwa sa pagpapauwi sa mga Pinoy doon katuwang ang DFA at OWWA team.
Para naman sa mga Filipino na ayaw pang umuwi ng bansa at nanghihinayang sa kanilang trabaho, maaaring kausapin ng Embahada ng pilipinas ang mga employer ng mga kababayan natin doon upang kahit papano ay mabigyan pa sila ng huling suweldo.
“Mandatory repatriation na ngayon at kailangan nang ilikas ang mga kababayan nating OFW sa Libya dahil sa tumitinding kaguluhan doon. Isipin din natin ang buhay at kaligtasan ng mga OFW kaya dapat iprioritize ang repatriation effort. Pero dapat din talagang kausapin ang mga employer kasi baka may mga employers na sasamantalahin ang sitwasyon at hindi na magbayad ng suweldo”.- Hans Cacdac, OWWA Administrator
Samantala, tiniyak ni Cacdac na mabibigyan ng tulong pinansyal ang mga OFWs na uuwi ng bansa gaya ng cash at livelihood assistance.