Mandatory scouting na plano ng DepEd, dapat munang pag-aralan ayon sa isang Senador
Pinaghihinay hinay ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero ang Department of Education sa plano nitong gawing mandatory ang pagsali ng mga Basic Education learners sa Boy at Girl Scouts of the Philippines.
Nauna nang sinabi ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte na plano nilang isama sa basic education curriculum ang mandatory scouting.
Makatutulong raw ito para sa pagtuturo ng values sa kabataan kasama na ang katapatan, integridad, paggalang at pagtulong sa kapwa.
Sinabi ni Escudero na kailangang pag-aralan munang mabuti ang magiging ligal na implikasyon kung oobligahin ang mga estudyante na sumali sa scouting.
Ang problema aniya ang Boy Scout at Girl Scout ay parehong pribadong organisasyon kaya’t may kwestyong legal kung pwede nga bang gawing mandatory ang pagsali dito.
Wala aniyang problema sa mga nais sumali subalit ibang usapin kung gagawing mandatory.
Dapat aniyang suriing mabuti upang matiyak na hindi lalabag sa anumang probisyon ng konstitusyon.
Meanne Corvera