Mandatory SIM card registration lusot na sa committee level ng Senado
Hindi na makapagtatago ang mga kriminal, scammers at mga mandarambong sa pamamagitan ng pagte-text para makapanloko.
Ito ay matapos lumusot sa Committee level ng Senado ang panukalang mag-oobliga para sa pagpaparehistro ng lahat ng SIM cards at inindorso na para sa debate sa plenaryo.
Iginiit ni Senador Grace Poe na Chairman ng Senate Committee on Public Services, na dapat nang ipasa ang panukala dahil ang mga hindi nakarehistrong SIM card ay nagagamit sa criminal activities tulad ng text scam at terorismo.
Hindi lang aniya ang Pilipinas ang nagtutulak na ipasa ang SIM card registration, katunayan may 157 mga bansa na ang gumawa nito tulad ng Japan at Australia na may mataas na pagkilala sa data privacy.
Sa panukalang batas, bago ma- activate ay kailangang iparehistro muna ang SIM card sa loob ng 180 araw.
Kung hindi maiparerehistro ay may kapangyarihan ang telcos na ide-activate o i-retire na ang numero.
Ang telecommunications companies ang inaatasang magtago ng mga impormason sa isang centralized database para matiyak na mapoprotektahan ang privacy ng sinomang cellphone user.
Mandatory naman na bago ilabas ang impormasyon, ay dapat may pahintulot ito ng sinomang mobile user, may subppoena o court order.
Bawal namang i-rehistro ang mga menor de edad maliban na lang kung may pahintulot ng kanilang mga magulang.
Ang mga turista na bibista sa Pilipinas ng lagpas sa 30 araw,ay kailangang i-rehistro rin ang SIM card kasama ang kanilang passport number at address sa Pilipinas.
Meanne Corvera