Mandatory SSS contribution sa mga OFWs, binatikos
Binatikos ng grupong Bayan Muna ang Social Security System (SSS) dahil sa pagpapatupad ng mandatory contribution sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at plano pang pagtataas ng kontribusyon sa Abril.
Puna ni Rep. Carlos Zarate, dapat voluntary lang ang membership ng mga OFWs dahil hindi naman pare-pareho ang kanilang sitwasyon sa ibang bansa.
Tinukoy nito ang draft ng Implementing Rules ang Regulations (IRR) ng Social Security Act of 2018, Rule 14 kung saan ang mga land based OFW ay dapat magbayad ng employer and employee contributions.
Ibig sabihin babalikatin ng isang OFW ang buong premium na 2,400 pesos kada buwan lalo na kapag ang bansang pinagtatrabuhan nito ay hindi pumasok sa Bilateral Agreement na nag-oobliga sa mga employers na magremit ng SSS contributions.
Katwiran ng Kongresista hindi ito kakayanin ng mga ordinaryong OFW lalo na ng mga domestic helpers.
Maaaring mapag-initan rin ng mga employers ang mga manggagawang Pinoy na maaaring ikatanggal pa sa kanilang trabaho.
Rep. Carlos Zarate:
“Ang hirap kasi sa SSS ang default position nila ay palaging magtaas ng premium at sapilitang kolektahan ang mga manggagawa, maski nga ang extended maternity leave ay sinasabi nilang dapat pa din daw magtaas ng premium”.
Ulat ni Madelyn Moratillo