Manhunt operation sa mga amo ng pinay na isinilid sa freezer, inilunsad na ng Interpol….kinaroroonan ng mga suspek, tukoy na
Naglunsad na ng manhunt operation ang International Police o Interpol para madakip ang mag-asawang Lebanese at Syrian national na itinuturong suspek sa pagpatay sa isang Pinay na natagpuan sa loob ng freezer sa loob ng tahanan ng mag-asawa sa Al-Shaab, Kuwait.
Ayon kay Philippine Ambassador to Kuwait Renato Pedro Villa, ang bangkay ng Pinay na si Joanna Dimapilis ay naipadala na Criminal Evidences Department para isailalim sa autopsy.
Pero hindi pa aniya masimulan ang otopsiya dahil sa sobrang nanigas na ang katawan ng biktima dahil mahigit isang taon na aniyang nakasilid sa freezer ang katawan nito simula pa noong Nobyembre 2016.
Ayon kay Villa, bilin aniya ng mag-asawa sa caretaker ng gusali bago sila umalis noong Nobyembre 2016 na bantayan ang kanilang tahanan pero huwag na huwag aniyang bubuksan dahil may mga mahahalagang kagamitan nilang nakatago sa loob.
Nagulat na lamang ang mga security operatives nang lumantad sa kanila ang bangkay ng Pinay na nasa freezer matapos makapasok sa tahanan ng mag-asawang suspek.
Samantala, natuklasan rin sa paunang imbestigasyon na ang nasabing Lebanese ay may mga kaso ng panloloko kaya umalis ng Kuwait noong 2016 kasama ang asawang Syrian.
Ayon naman sa director ng Criminal evidences department, tukoy na ng mga otoridad ang kinaroroonan ng mga suspek.
=== end ===